Una kong nakilala si Ikaklit sa klaseng Panitikang Pilipino 19 ni Prof. Eugene Evasco noong tinalakay namin ang kwentong pambatang Ang Ikaklit Sa Aming Hardin na sinulat ni Bernadette Neri. Sabi ni Sir Eugene, hindi raw na-publish ang kwentong ito dahil walang mainstream publication na gustong tumanggap dahil sa “maselang” tema nito: ang isang homosekswal na pamilya.
Naisip ko, ang isang kwentong singganda ng Ang Ikaklit Sa Aming Hardin ay nararapat na mailathala at maibahagi sa nakararami. Kaya’t ipinangako ko sa sarili ko na hahanapin ko si Bernadette Neri at magpriprisinta na lang ako bilang ilustrador. Tutulungan ko siya sa abot ng makakaya ko para mabuo ang aklat na ito, indie kung indie.
Makalipas ang apat na taon, hindi ko inakalang matutupad ang isa sa mga “major” pangarap ko!
Sana makapunta kayo sa pormal na pagpapakilala sa publiko ng aming aklat, ang book launch ng Ang Ikaklit sa Aming Hardin. Setyembre 13, 2012, 3:00-5:00 PM, sa CM Rector Hall, Bulwagang Rizal, KAL (CAL), UP Diliman.
Muli, maraming salamat kay Bernadette Neri, sa pagtitiwalang mabibigyang buhay ko ang kwento niya. Kay Sir Eugene Evasco – kayo ang dahilan ng lahat (kung hindi ko kinuha ang klase ninyo at nabasa si Ikaklit, wala naman ang lahat ng ito!) Salamat rin sa team: Siyawi, Ate Powti, at Ate Jeni. (Excited na akong makilala kayo nang personal!)
Para sa inyo, mga kaibigan at kakilala online, kung interesado kayong makakuha ng kopya ng aklat na ito, maaring mag-email sa akin sa contact@cjdesilva.com at publikasyong.twamkittens@gmail.com (Subject: IKAKLIT)! Maraming salamat muli!